Features

We Translated a Journalist's Haunting Speech at the Nobel Torchlight into Filipino

Patricia Evangelista's words are just as chilling in the local tongue.
IMAGE RAPPLER
Comments

On December 11, 2021, Rappler journalist Patricia Evangelista delivered a short but haunting speech during the Nobel Torchlight procession. Esquire Philippines' features editor Mario Alvaro Limos translated her piece into Filipino, and her words remain just as chilling. 

Below is the full text of her speech, translated into Filipino.  

Ako si Patricia.

Mahigit sa isang dekada, nagtrabaho ako sa isang maliit at malayang ahensya ng balita—ang Rappler. Isa akong trauma reporter—sa madaling salita, ibinabalita ko ang mga kasindak-sindak na mga pangyayari, dahil iyon ay mga bagay na hindi dapat nangyari, at hindi dapat muling mangyari. 

Ngunit limang taon na ang nakalilipas, nangako ang magiging pangulo ng Pilipinas ng pagpatay sa kanyang sariling mga kababayan. Ang mga kasindak-sindak ay naging ordinaryo, na inulan pa ng nakabibinging papuri. 

Ngayon, sasabihin ko sa inyo kung ano ang itsura ng lagim: Minsan ako’y tumambay sa labas ng bahay kung saan limang lalaki ang pinaslang. Nagtipon sa labas ang mga pamilya, nagsusumamo: “Please! Sabihin ninyo sa amin kung sino ang mga pinatay!”

Tumanggi ang mga pulis habang sinisigawan ang isang ina at itinutulak ang isang anak na babae. At saka ay umulan. Malakas at matinding ulan. 

Nagsitakbuhan ang mga tao habang nagsitawanan ang mga pulis:

“Kita mo?” sabi ng isang pulis. Itinuro niya ang langit. “Kita mo? Pati ang Diyos ay nasa panig ko.”

Minsa’y nakausap ko ang pamilya ng isang lalaki na napaslang sa drug war. “Execution” ang turing nila sa mga pagpatay. Isang ama ang tumangging siya’y pangalanan, ngunit pumayag naman ang ina na gamitin ang kanya. Sabi niya, “Ito lang ang magagawa ko para sa patay kong anak.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Minsa’y naupo ako katabi ng mga vigilante, na nagsabi sa akin na inutusan sila ng mga pulis upang pumatay. Hindi ko nakausap ang pulis na pinangalanan nila dahil tumanggi siyang magbigay ng pahayag. Hindi ko nakausap ang mga pamilya ng mga pinatay dahil sila ay nagtatago.

Nakakapagtaka na ang mga pamilya ng pinatay ang sila pang nagtatago,” sabi sa akin ng isang vigilante

Hindi ako namumuhay sa lagim araw-araw. Ngunit sila, oo. 

May isang burol na hindi pinaglamayan dahil bawat kapitbahay ay takot na makitang nakikiramay. 

Isang teenager ang nag-drop out sa eskuwela para lang bantayan ang nanay niya na ikinatatakot niyang sunod na papatayin. 

Isang ale, na katatapos lang maglibing ng kanyang lalaking anak, ay nagdamag sa labas ng presinto dahil isa na namang anak niya ang dinampot at nangangamba siyang hindi na ito makikita nang buhay.

Sa bansa ko, maaaring pagbintangang terorista ang kahit sino: mga adik, mga aktibista, mga abugado, mga mamahayag. 

Ngunit ang terror ay isang masalimuot na salita. 

Pasimplehin natin ang salita: Takot. Isang salitang hindi natatali sa pulitika at estado sa buhay. 

Takot ang nagdudulot sayong mahimatay sa presinto sa harap ng humahagulgol mong anak. 

Takot ang yumayapos sa isang amang nakaluhod sa sahig at naglilinis ng dugo ng patay na anak habang nagsusumamo: “Patawarin mo ako anak, hindi kita naipaglaban.”

Dahil sa takot, hihingi ka ng tawad habang may ipinoposas. Dahil sa takot, iaatras mo ang iyong pahayag, o tatanggi kang magbigay ng pahayag. 

Dahil sa takot, nahahadlangan kang magtanong ng mga dapat itanong, nahahadlangan kang maglagay ng pangalan mo sa isang ulat, nahahadlangan kang magbahagi ng ulat tungkol sa isang batang lalaki na nagsabing “Please, ikulong niyo na lang po ako.”

CONTINUE READING BELOW
Recommended Videos

Inilathala namin ang mga salaysay na ito at marami pang iba, ngunit tinawag kaming mga sinungaling at tagapaghatid ng mga balitang huwad

Nalagay sa panganib ang aming lisensya, lumayo ang maraming advertiser, at kinasuhan, inaresto, at hinatulan ang aming mga amo. Tinaboy sa Palasyo ang aming mga reporter

Pinagdiskitahan sila ng mga troll at pinagbantaan, at dahil karamihan sa amin ay mga babae, kabilang sa mga bantang natanggap ay panggagahasa. 

Sabi ni Maria Ressa, ituloy lang namin. Isiwalat ang mga kuwento.  

Kahit pa malaki ang pinsala sa kanya, hindi siya tumakbo, hindi siya nagtago, hindi siya nakipagkompromiso. At dahil doon, kaming mga mamamahayag ay nakapaghahatid ng katotohanan—dahil alam naming siya ay sasangga.

Hindi lamang Rappler ang tagapagbalita sa Pilipinas na nagbubunyag ng korupsyon at ng mga kalupitan ng drug war. 

At lalong hindi lamang mga taga-Rappler ang mga mamamahayag na itinataya ang buhay para sa trabaho.

Isang tradisyon ang pamamahayag, at ang linyang iginuhit ng Rappler ay mga tuntuning itinakda maraming dekada na ang nakalipas, ng mga mamamayang tumindig sa mga barikada at sumigaw ng “Hanggang dito lang kayo!”

Sa panahong palasak ang kalupitan, tungkulin ng mga mamamahayag ang lumaban. 

Ngayon, pagkatapos igawad ang Nobel Peace Prize kay Maria Ressa at Dmitriy Moratov, ipinagdiriwang natin ang mundong nakauunawa na walang demokraysang nabubuhay kung ang mamamayan ay pinatatahimik ng takot. 

Bukas, uuwi tayo sa ating mga himpilan, sa pag-uulat mula sa field, at sa mga newsroom sa buong daigdig, ngunit batid natin ang katotohanan na kahit tayo ay natatakot, hindi tayo nag-iisa sa pagsisiwalat ng ating mga kuwento. 

Salamat. 

Video: Patricia Evangelista at Nobel Torchlight Procession

Discover the best of culture, business, and style from Esquire Philippines. Visit Quento for more stories and subscribe to our YouTube channel for new videos. 

Comments
More Videos You Can Watch
About The Author
Esquire Philippines
View Other Articles From Esquire
Latest Feed
Load More Articles
Connect With Us