Buhay Pa Nga Ba Ang Wikang Filipino?

Oo naman.

Iyan ang inaasahan, nararapat at wastong sagot. Lalo na sa mga araw na ito ng buwan ng Agosto, ang Buwan ng Wika, sino ang magsasabing hindi buhay ang wikang Filipino (ang taguri sa wikang pambansa simula noong 1987)? Tandaang bago ang Konstitusyon ng 1987, ang taguri sa wikang pambansa ay Pilipino (hindi Tagalog). Samakatuwid, sa aspektong ito pa lamang, mapapansin nang agad ang isang katangian ng isang wikang buhay – ang patuloy na pagbabago (dinamiko). Mula sa simpleng Abakada ni Lope K. Santos na binubuo ng 20 titik, ngayon ay naging Filipino na at may makapangyarihang 28 titik.

Kung tutunghayan naman ang lawak ng paggamit ng wikang Filipino, walang alinlangang lagpas na marahil ito sa inaakala ng mga karaniwang Pilipino. Gamit na ang wikang pambansa maging sa mga talakayang politikal (paano ka nga naman kukuha ng boto kung di ka gagamit ng wikang pambansa?). Gamit na rin ang wikang ito sa mga usapin sa agham at teknolohiya (pansinin ang mga anunsyo ng gamot sa radyo at telebisyon, at maging ang gamit nito sa internet). At gamit na gamit ito sa mass media (lalo na sa mga programang nasa primetime slots).

Gayunman, ang mga ito lamang ba ang batayan ng pagiging “buhay” ng isang wika?  Kung hindi man patay, may aspekto kaya sa punto ng Linggwistiks (maagham na pag-aaral ng wika) ang nakakaligtaang pansinin ng mga eksperto sa wika upang masabing may posibilidad na magkaroon ng hindi inaasahang “atake sa puso” ang wikang inaakalang buhay na buhay?

Mayroon. Ito ang sa ganang akin ay ang aspekto ng paggamit ng wika.  Wari itong masarap na pagkaing alam ang pangalan at rekado, bantog sa sarap at sadyang nakahain na, ngunit, hindi alam kung paano kainin: kakamayin ba o kailangan ng kutsara at tinidor; kakainin ba nang malamig o mainit; hilaw ba o lulutuin pa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hayaan ninyong talakayin ko ito mula sa mga simpleng usapan hanggang sa malawak na midya ng lipunan.

Hindi iilang kabataan (ang masakit, nahahawa na pati ang matatandang ignorante sa paggamit) ang madalas kong marinig (mas masaklap pa kung maging sa kanilang pagsulat) ang nagwiwika nang ganito:

“Ano kaya ang susuutin ko sa Biyernes?”

“Mamayang gabi ay kikitain niya ang kanyang kaibigan.”

“Masarap siya (ice cream). Gusto mo, tikman natin siya uli bukas?”

Bago pumasok ang bagong milenyo, naging mainit na usaping akademiko ang hinggil sa higit na pagpansin sa kakayahang komunikatibo (communicative competence) ng mga estudyante kaysa sa kakayahang linggwistika (linguistic competence). Nagresulta ito sa pagiging maluwag ng mga guro sa pagpansin sa gramatika at maging sa wastong gamit. Kaya, para sa akin, nangibabaw dito ang prinsipyong “basta nagkaintindihan, puwede na.” Kung susuriin ang mga pangungusap sa itaas, ang isang karaniwang Pilipino sa ngayon ay hindi makikita ang mga kamalian pagkat wika nga, “ito na ang nakasanayan.” Sa unang pangungusap, iba ang susuutin sa isusuot. Bagamat kapwa galing sa salitang-ugat na suot, ang mga panlaping ginamit ang nagbibigay-kahulugan sa gamit nito. Ang mga damit bilang mga elementong panlabas ang dapat na isuot sa katawan natin, hindi tayo ang susuot sa mga ito. Sa salitang susuutin, tayo ang papasok sa mga damit, samantalang ang totoo, ang mga damit ang ilalagay natin sa ating mga katawan. Iba naman ang nangyari sa salitang kikitain. Bagamat parehong kita ang salitang-ugat nito at ng makipagkita, hindi pareho ang kahulugan. Ang kita sa kikitain ay may may kahulugang sahod/sweldo samantlang ang kita sa makipagkita ay makaharap nang personal. Ang problema sa simpleng paglalapi ay matatandaan din sa imortal na linya ni Pangulong Erap na aniya, “huwag nyo akong subukan.” Tinanggap ito, nasa kasaysayan na nga, ngunit mali. Ang dapat ay subukin (try/test) hindi subukan (observe/spy). Ang nangyari tuloy, nagkatotoo ang ikalawa.

CONTINUE READING BELOW
watch now

At sa kaso ng siya? Elementarya pa lamang, alam na dapat na ang panghalip na ito ay pantao. Nagiging mahalay tuloy kung minsan dahil sa maling paggamit.

Ang wikang Filipino bagamat marami nang pumasok na mga wikang lokal at internasyonal ay batbat pa rin ng impluwensyang Espanyol. Ito ang dahilan kung bakit sa tingin ko, dahil sa pagkawala ng Espanyol sa kurikulum, nawalan na ng muwang sa wikang ito na nagbunga ng hindi iilang maling gamit ng Filipino. Sa mga teleserye at pelikula, lagi ko nang naririnig ang mga sumusunod:

“Bilisan mo, isarado mo na ang pinto!”

Sinisigurado ko sa inyong totoo ang aking narinig.”

Wala na yatang nakakaalam na ang hulaping -ado sa Espanyol ay nangangahulugang tapos na. Kaya hindi mo pwedeng iutos o kasalukuyan pa lang ginagawa ang bagay na tapos na. Ang dapat ay:

Bilisan mo, isara mo na ang pinto! (at isagot matapos) Opo, sarado na.

Sinisiguro ko sa inyong totoo ang aking narinig. (bilang pagtitiyak) Sigurado po ako.

Kung tutuusin, iilan pa lamang ito na napakaraming kamalian sa ating paligid.  Halimbawa, may nakikita ba kayong mali sa isang seksyon ng SM Malls na may karatulang Kultura Filipino? O sa maya’t mayang paunawa ng MTRCB hinggil sa SPG na ang kahulugan daw ng S ay ang nakahihimatay na salitang “strikto”?

Mahaba pang talakayan ang mga ito. Ngunit hindi ba dapat ay nauna na itong naituro kaysa sa tinatalakay pa ngayon ng isang hamak na tulad ko? Dapat ay alam na alam na ito ng mga Pilipinong ang wikang pambansa ay Filipino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasaan na ang Komisyon sa Wikang Filipino na ahensya ng ating gobyerno? Nasaan na ang mga dalubwikang nasa magigiting na Unibersidad at Kolehiyo? Nasaan na ang wikang Filipino? Buhay pa nga ba ito?

View More Articles About:
More Videos You Can Watch
About The Author
Lakandupil C. Garcia, AB, MA, EdD
View Other Articles From Lakandupil C. Garcia, AB, MA, EdD
Latest Feed
Load More Articles
Connect With Us