Opinyon: Karapatan Mo ang Bumoto. Huwag Mo Itong Sayangin

ILLUSTRATOR WARREN ESPEJO

Bawat anim na taon, marami sa ating mga Pilipino ang nagtutungo sa mga voting center upang tuparin ang ating tungkulin na ihalal ang susunod na pinuno ng bansa. Dumating na naman ang panahong ito. Pagkatapos ng ilang buwang panliligaw ng mga kandidato para sa ating boto, oras nang muli ng ating pagpili sa mga taong sa tingin natin ay karapat-dapat na mabigyan ng kapangyarihan na tayo ay paglingkuran. 

Ngunit may kakaiba sa halalang ito. Siguro isa na rito ang dami ng mga inaasahang dadagsa sa mga voting center. Ayon sa Comelec, aabot sa 67.5 million ang opisyal na mga rehistradong botante ngayong 2022. Ito na raw ang pinakamaraming bilang ng mga botante sa kasaysayan ng Pilipinas—patunay lamang kung gaano kahalaga at makabuluhan ang halalang ito.

Kapansin-pansin din ang tila yatang mas matinding bangayan ngayon sa pagitan ng mga magkakaibigan, magkakakilala, at maging magkakapamilya sa usaping politika. Marahil ay hindi na bago sa inyo ang matalas at mapusok na pakikipagtalastasan basta't mga kandidato na ang pinag-uusapan, lalo na kung madalas kayo gumamit at magbasa-basa sa social media tulad ng Facebook, Twitter, at maging sa TikTok.

May ilan na nagsasabi na ganito naman parati ang sitwasyon sa tuwing darating ang panahon ng halalan o election season, ngunit hindi maikakaila ang kakaibang antas ng diskurso na nakamit ng mga ordinaryong mamamayan ngayon tungkol sa politika. May ilang mga nawasak na relasyon at may iba naman sa atin na maingat na ang bibig kapag kaharap ang ilang tao na sa tingin natin ay may kakaibang pananaw o kandidatong sinusuportahan kaysa sa atin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa isang banda, nakalulungkot ang ilang mga pagkakataon na ang hindi pagkaka-unawaan ay nauuwi sa awayan at maging sa murahan at hindi pag-iimikan. May ilan na ring nagsabi na malaking aksaya lamang na hayaan ang politika na mamagitan sa mga magkaibigan. Ang mga taong nakapaligid sa iyo ang sila pa ring makakasalamuha mo manalo man o matalo ang iyong kandidato.

Ngunit ang manindigan sa ngalan ng iyong sinusuportahan at mga prinsipyong kanilang sinasagisag—hindi ba na patunay lamang ito kung gaano kahalaga sa atin ang kalalabasan ng halalan? Hindi ba’t mas mainam na ang madamdaming usapan at ang posibilidad ng hindi pagkakaintindihan kung ang nakasalalay ay iyong integridad at paniniwala sa kung ano ang tama at karapat-dapat?

Sino ba ang nagsabi na ang pakikipagtunggali ay parating masama? Hindi ba’t may ilang magagandang naidudulot din ang salungatan ng mga kuro-kuro?

Hindi ko magawang huwag isipin na ang tila bang naglalagablab na lagay ng panahon ngayon ay may kinalaman sa kalidad ng mga tumatakbo sa pagka-Pangulo. May kanya-kanyang mga taga-suporta ang lahat ng mga kandidato, pero lalo na ang dalawang kinikilalang mga nangunguna sa labanan. May ilan na rin akong napagdaanan na eleksyon sa edad kong ito at, sa totoo lang, ngayon ko lang naranasan ang ganito katinding palitan ng mga akusasyon at maanghang na salita sa pagitan ng mga taga-suporta ng dalawang kandidatong ito. Sana lamang ay kayang ipagmalaki ng mismong mga kandidato ang kanilang mga taga-suporta katulad na lang ng pag-idolo at pag-angat sa kanila ng mga tumataguyod sa kanila.

CONTINUE READING BELOW
watch now

Hindi ko na iisa-isahin ang mga katangian at kwalipikasyon ng mga kandidato dahil sa palagay ko naman ay inyo na silang nasuri nang maigi at, sa puntong ito, kayo’y nakapag-desisyon na kung sino ang inyong iboboto pagpasok ninyo sa voting center.

Ang mahalaga ngayon ay tuparin ng bawat isa sa atin ang karapatan nating bumoto. Hindi kasi maikakaila na may ilan sa atin na nilamon na ng pagkabanas (annoyance) o pagkauyam (cynicism) pagdating sa politika. “Pare-pareho lang naman sila,” ang malimit nating naririnig mula sa ilan. “Bakit pa ako mag-aaksayang bumoto kung wala namang magbabago?”

Ang pag-iisip nang ganito ang kailangan nating puksain at ibaon sa limot. Napakadaling magpatalo sa apatya (apathy) o sa kawalan ng interes at pagpapahalaga sa mga bagay na sa tingin natin ay walang direktang epekto sa atin—tulad na lamang ng politika.

Ngunit ano na lamang ang mangyayari kung hindi tayo makikilahok sa gobyerno at mga institusyon na nagpapatakbo sa ating lipunan? Hanggang sa pagpo-post na lang ba tayo sa Facebook upang ireklamo ang baluktot na pamamalakad ng ilang opisyal o sangay ng pamahalaan? Magtitiis na lang ba tayo sa kaawa-awang social services tulad ng edukasyon, imprastraktura, at edukasyon kung alam naman natin na kaya pa itong pagbutihin nang ayon sa wasto at nararapat sa atin? At magpapaka-lunod na lang ba tayo sa mga palabas sa TV o mga nakakatawang TikTok video upang huwag nang isipin ang mga mali na kailangang itama sa totoong buhay?

Maaari nating gawin ang lahat nang ito, o maaari tayong bumoto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang pagboto ay ang pinaka-mainam na paraan para piliin natin kung sino ang dapat kumatawan sa atin sa pamahalaan. Ito ay isa sa kakarampot na mga bagay kung saan pantay-pantay ang lahat; mayaman o mahirap, babae o lalaki (o kung ano pa mang kasarian), negosyante o manggagawa, matanda o bata (basta 18 taong gulang pataas)—lahat tayo ay may isang boto. Isang napakalaking pagsasayang kung hindi natin ito gagamitin. Para mo na rin inihabilin ang kinabukasan mo sa kagustuhan ng ibang tao.

Ang pagboto ay karapatan mo na hindi mo dapat isawalang-bahala. 

Marahil ay iniisip natin na ang ating nag-iisang boto ay bale-wala lamang kung ikukumpara sa milyon-milyong iba pang boto na magtatakda kung sino ang mananalo. Totoo, nag-iisa lang ang boto mo, pero kung sa tingin mo ay hindi ito mahalaga, nais kong ibahagi sa inyo ang quote na ito mula sa librong Cloud Atlas, na isinulat ni David Mitchell:

“Only as you gasp your dying breath shall you understand, your life amounted to no more than one drop in a limitless ocean (Sa huling hininga mo lamang mapagtatanto na ang iyong buhay ay isang patak lamang sa isang walang hanggang karagatan),” sabi ng isang karakter.

“Yet what is any ocean but a multitude of drops (Ngunit ano ang isang karagatan kung hindi laksa-laksang mga patak)?”

 

 

More Videos You Can Watch
About The Author
Paul John Caña
Associate Editor, Esquire Philippines
View Other Articles From PJ
Latest Feed
Load More Articles
Connect With Us