Kailangan Nating Maghangad ng Lampas sa Aliw at Aral: Paninindigan, Ambisyon, at Kahusayan sa 10 Pelikula ng MMFF 2024
(Part 2 of 2)
Green Bones: 4 stars
My Future You: 4 stars
Isang Himala: 3 stars
Uninvited: 3 stars
Strange Frequencies: 2 stars
Hold Me Close: 2 stars
The Kingdom: 2 stars
And the Breadwinner Is...: 1 star
Espantaho: 1 star
Topakk: 1 star
Kapag may bagong pelikula, madalas nating marinig ang linyang, “Suportahan po natin ang mga pelikulang Filipino,” pero ano ba talaga ang ibig sabihin nito—at kailangan ba talaga nating gawin ito? Bago magsimula ang bawat pelikula sa Metro Manila Film Festival (na extended hanggang January 14, “due to insistent public demand”) mapapanood ang video message ni BBM na sinasabing “Tangkilin po natin ang pelikulang Filipino. Suportahan po natin ang Metro Manila Film Festival.” Kapag naririnig natin ang ganitong panawagan, wala namang malabo sa ibig nitong ipahatid: panoorin sana natin ang mga pelikula, “isama ang buong pamilya, ang buong barkada,” dagdag pa nga ni BBM. Ang di-laging hayag pero obvious din namang subtext ng gusto nilang sabihin ay tulungan sana nating makabawi at kumita ang mga producer at nang makagawa pa sila ng mga bagong pelikula.
Malinaw, kung gayon, na mas nakatuon ang paghingi ng suporta sa madlang hinihikayat manood ng pelikula. Tayo nga kasi ang kailangang lumabas ng sari-sarili nating bahay, magbiyahe papunta sa pinakamalapit na sinehan (o dayuhin ang malayo-layong sinehan dahil doon lang palabas ang gustong panooring pelikula), bumili ng tiket, at maglaan ng oras sa mismong panonood. Pagkatapos, kapag napanood na’y dagdag na suporta ang paghikayat naman sa iba pa na manood din. Ibig sabihin ay tumulong sa promotion ng pelikula sa pamamagitan ng pagsasabi at pagpo-post ng positibong bagay tungkol dito.
Ngayon, kailangan ba natin talagang suportahan ang mga pelikulang Filipino? Oo, kung tama si Dr. Bienvenido Lumbera na nag-iiwan ito sa “Filipino viewers with certain moments of truth and beauty that only film can imprint and vivify in the people’s consciousness.” Subalit hindi nga ang kahit anong pelikula. Sa isang naunang sanaysay, nilinaw ko na kailangan natin ng mga pelikulang may PAKI—paninindigan, ambisyon, kahusayan, at inmortalidad—at ito ang personal kong pamantayan ng mga pelikulang kailangan nating suportahan kung makakaya natin.
Ang malinaw ay wala siyempreng pananagutan ang mga manonood—ang sinuman—na suportahan ang kahit ano kung hindi ito tumutugon sa hinahanap niya. Subalit maliban sa paghahanap ng PAKI, ang dalawa pang malaking puna ko sa basta “suportahan po natin ang mga pelikulang Filipino” ay na: una, tulad ng lahat ng bagay na kinokonsumo natin, usapin ito ng economic capital (pagkakaroon ng pambayad sa sine at iba pang gastusin para makapanood ng sine) at cultural capital (kung nakakapanood ng libre dahil naiimbitahan sa mga libreng screening, nagsusulat para sa mga magasin, o may kilalang nasa industriya’t nabibigyan ng passes)—at kung gayon ay naipapamukha lalo ng pagsuporta sa pelikula ang kawalan ng kapasidad ng iba rito, sa ayaw nila at sa gusto; at ikalawa, na ipinapasa sa madla ang pasanin ng pagsuporta sa pelikula sa halip na sa mga producer at direktor na bagaman nag-i-invest ng pera at panahon sa paggawa ng pelikula ay hindi dapat nagsisimula’t nagtatapos sa pera at panahon ang pananagutan sa paggawa ng pelikula.
Sapat na bang gumawa sila ng pelikula para suportahan? Hindi, siyempre. Sa sanaysay niya tungkol sa mga pelikulang Filipino noong 1961 hanggang 1992, kinilala rin ni Dr. Lumbera na, “artists like Gerardo de Leon, Lamberto V. Avellana, and Lino Brocka learned how to surmount the walls erected by businessmen, clerics, politicians, and bureaucrats and they survived in the industry.” Kaya kailangan nating itigil ang pag-iisip na hindi magtutugma ang panlasa ng madla at ang pagkakaroon ng PAKI (na taglay ng pelikula ng mga naturang direktor at ng iba pang matagumpay na direktor sa industriya). Ang kailangan natin ay isang bayang nag-iisip na hindi basta nadidiktahan ng mga taong walang totoong pakialam sa sining o sa ikabubuti ng mga buhay natin, mga taong kumikilos lang para sa sarili nilang pakinbang at sa patuloy na paghawak sa kapangyarihan.
Muli, dito nagiging mahalaga ang kritisismo kaysa sa basta pagbibitiw ng opinyon. Totoo, nakatutulong ang opinyon sa promosyon ng pelikula para suportahan ito ng madla—kaya hindi kataka-takang gawin ito ng mga bahagi ng produksiyon, na nakasalalay sa paggawa ng pelikula ang kabuhayan, at ng mga fan ng kung sinumang artista sa pelikula. Ito ang lohika kaya mga may publicist na tumutulong sa paghubog ng opinyon ng publiko sa isang pelikula bago pa man ito ipalas. Subalit layunin ng kritisismo na hikayating suportahan—hindi lang ng madla, kundi—ng mismong mga gumagawa ng pelikula ang paggawa ng mga pelikula para sa mga bagay na higit kaysa sa kita. Kaya naman, ang mismong paglalaan ko ng panahon para magsulat ng kritisismo sa mga pelikula ng MMFF ay para hikayatin pa ang mga nasa industriya na mas suportahan ang paggawa—hindi ng kahit anong pelikula lang kundi—ng mga pelikulang may PAKI.
Tulad ng sinabi ko na sa naunang sanaysay, panahon at paulit-ulit na panonood ang sumusukat sa Inmortalidad—may bisa pa rin ba ito?—kaya hindi agad ito makikita sa isahan at mabilisang panonood ng pelikula. Pero maaaring makita’t madama sa isang beses na panonood ang lagapak ng PAK na parang hinahampas tayo ng katotohanan at pagmumulat sa kung ano ba ang mga totoong mahalaga sa atin. Nitong nagdaang linggo, pinanood ko nga ang sampung pelikula ng MMFF 2024 para ipagpatuloy ang mungkahing kritisismo ko na ito at narito ang ilan ko pang pagtataya.
Mga Pelikulang May Ambisyon sa MMFF 2024
Ang totoo, nang pinagmumunian at binubuo ko ang ibig sabihin ng PAKI, napakadaling mahulog sa patibong na gamitin ang alinman sa dalawang “A” na humubog sa kasaysayan ng pagkonsumo natin ng mga akda: ang aliw at aral. Ito ang salin ng mga kritikong kinalakihan ko, tulad ni Soledad S. Reyes, sa dulce et utile ni Horacio sa kaniyang “Ars Poetica” na nasulat noon pang unang siglo B.C.E. Totoo namang epektibong pundasyon ang aliw at aral na ito ng mga pauna nating pagtataya sa isang akda. Nasiyahan ba ako sa panonood? May natutuhan ba ako sa pinanood ko?
Kaya naman, hindi natin masasabing walang halaga ang pagtingin sa aliw at aral ng isang pelikula. Subalit iminimungkahi ko ring kailangan na nating maghangad ng lampas sa mga ito. Ibig sabihin, may panganib ang mismong pagkapit lang sa aliw at aral dahil pareho itong maaaring manghikayat ng hindi na pag-iisip. Puwede tayong maaliw kahit sa pinakamararahas na biro—mga joke na patuloy na nagpapalaganap ng di-pagkakapantay-pantay ng kasarian, halimbawa. Maaari rin tayong patuloy na makinig sa aral ng mga makapangyarihan na nagpapatatag lang ng status quo kung saan nananatiling hawak lang nila’t inaabuso ang kapangyarihan. Kaya naman, sa halip na aliw o aral, mas pinili ko ang ambisyon.
Sa mga klase ko at sa bawat pagkakataon na mayroon ako, lagi kong ibinabahagi sa iba—at ipinapaalala sa sarili—na nagtuturo ako at nagsusulat dahil patuloy na nangangarap ng mundong higit sa naririto. Sa isang banda, ito ang pangunahing kahingian ng ambisyon na hinahanap ko. May pagtatangka ba itong mangarap ng higit kaysa kung anong mayroon na tayo sa ngayon? Ang totoo, sa PAKI, pinakamadaling mahinuha ang ambisyon ng isang pelikula. Maaaring sa trailer pa lang, mabanaag mo na kung may ambisyon ba ito o wala.
Ganito ang sikdo ng ambisyon sa The Kingdom, sa pagkatha nito ng alternatibong kasaysayan kung saan hindi nasakop ng kahit sino ang bansa kaya naging/nanatiling Malaya ang mga mamamayan sa halip na Filipino. Hindi bago ang ganitong anyo ng ispekulasyon—ilan sa mahahalagang teksto ng alternatibong kasaysayan ang nobelang The Man in the High Castle ni Philip K. Dick na hinakang Axis Powers ang nagwagi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig (nagkaroon ito ng TV series adaptation), ang graphic novel na Watchmen ni Alan Moore tungkol sa pagwawagi ng US sa Vietnam War at hindi pagkakabunyag ng Watergate scandal ni Nixon (nagkaroon ito ng film adaptation), at ang pelikulang Inglourious Basterds sa direksiyon ni Quentin Tarantino (nominado sa Best Picture sa Oscars noong 2009) kung saan pinatay sa assassination si Hitler, na ginawang publiko ang pribadong kamatayan ng diktador (at ipinagpapalagay na pagpapatiwakal) na bumago sa naging pagtingin sa naging buhay niya.
Sa isang banda, maaaring ituring na pantasya ang mga proyekto ng ispekulasyon, subalit bilang nobelistang nakaangkla rin ang mga kinakatha sa mga ganitong haka, nananalig akong may kapangyarihan ang paghahaka upang mahikayat ang “counterfactual” na pag-iisip, isang mahalagang konsepto sa historyograpiya at naratolohiya para hamunin ang mga nangingibabaw na naratibo, magbunyag ng mga daloy—sa halip na isang daloy lang—ng pangyayari, at lumikha ng kritika sa mga istruktura ng kapangyarihan.
Gayumpaman, sa kabila ng ambisyon ng The Kingdom, nagkukulang ito sa kahusayan at paninindigan. Nasa tradisyon ng mga epiko sa atin ang pagmumula ng pananaw mula sa naghaharing-uri, iginiit na ito ni Dr. Florentino Hornedo sa pag-aaral niya ng mga akdang-bayan, kaya sa isang banda, karaniwang nagsisilbing katwiran ang epiko sa kung sino ang may hawak ng kapangyarihan. Dito nawawalan ng paninindigan ang pelikula upang umalagwa sa pagpapaumanhin sa ngalan ng nasa kapangyarihan. Totoo, binibigyan ng espasyo ng pelikula ang tinig ng mga tiwalag (mga ayaw pasakop sa kapangyarihan ng Lakan, tulad ni Wigan) at mga itinatwa (ang mga inalisan ng karapatan, tulad ni Sulo), subalit nangingibabaw pa rin ang humanisasyon (ibig sabihin ay pangangatwiran sa mga kahinaan at pagkakamali) ng pamilya ng Lakan sa bandang huli.
Ang pinunong si Lakan Makisig Nandula (Vic Sotto) pa ang tila kaawa-awa sa bandang huli dahil sa “mabigat” niyang tungkulin at mga pasyang kinailangang gawin bilang isang pinuno. Kaaawa-awa naman siyang nakakakain nang masagana sa araw-araw kompara sa mga naghihirap niyang nasasakupan, tulad ng mga nakabilad sa araw na magsasakang ginigipit pa ng mga namumuhunan! Hindi nasakop ang bansa, subalit nananatili ang korupsiyon at kahirapan—at nananatiling walang lubos na pag-akò sa pananagutan at pagsusuko ng kapangyarihan ang mga namumunong walang nagawa upang wakasan ang paghihirap ng bayan. Sa bandang huli, tulad ng pagpapása sa kapangyarihan sa anak ni Lakan Makisig, sila pa rin ang maghahari sa bayan.
Maliban sa mas mapatatawad na usapin ng wika (bakit naglipana ang salitang Español sa bokabularyo ng isang bansang di nasakop ng España—hindi ganito ang Thai, na ginawang analog sa pelikula, halimbawa), pangunahing butas sa kahusayan ng pelikula ang naging resolusyon nito sa dulo—ang paghamon ni Sulo ng tugmaan kay Lakan Makisig. “Mata sa mata,” sang-ayon sa kanilang paniniwala (na siyempre’y balintunang makikita rin sa Lumang Tipan ng Kristiyanismo, na hindi dapat nakarating sa bansa, bagaman nag-uugat sa mas sinaunang Kodigo ni Hammurabi ng mas matandang dinastiya ng Babylon). Subalit kung puwede pala itong gawin ng kahit sinong ginahis ng lakan, bakit hindi hindi siya hamunin araw-araw ng kahit sino? Bakit hindi ito ginawang estratehiya ng paglaban nina Wigan? (Ibang usapin pa kung kapani-paniwala ang mismong aksiyon sa labanan nina Lakan Makisig at Sulo.)
Isa pang pelikulang may ambisyon subalit nagkulang sa kahusayan at paninindigan ang Hold Me Close. Tungkol ito kay Lynlyn, na nakatira sa Karatsu, kasama ang dalawa niyang nakababatang kapatid na lalaki, sina Botbot at Tantan, na kasama niyang nagtitinda ng ika (pusit) sa morning market. Nakilala niya si Woody, isang kapwa-Pinoy na nomadiko—nagpapalipat-lipat ng tahanan sa iba’t ibang panig ng mundo sa pagtatangkang matagpuan ang kaniyang “perfect home.” May maliliit na butas sa kahusayan, tulad sa pagkawala ng mga kapatid ni Lynlyn sa dulo nang hinahabol siya ng mga ito at natagpuan niya si Woody sa kakahuyan ng Nijinomatsubara. May mas malalaki, tulad ng kawalan ng malinaw na paliwanag kung bakit nasa Japan ang pamilya nina Lynlyn at kung nasaan ang mga magulang nila. Subalit gusto kong pansinin bilang kahinaan ng banghay ang aksidente ni Woody sa dulo.
Biglaan ang aksidente at bahagi ng kalikasan ng anumang aksidente na hindi ito maaaring asahan—subalit lumilikha ito ng butas sa kuwento kung iniuwi rito ang mga bagay dahil para bang wala nang ibang paraan para magkahiwalay sina Woody at Lynlyn. Masyado itong madali, halos hindi naiiba sa deus ex machina na tumatapos sa problema ng tauhan o ng banghay sa mga sinaunang dula ng mga Griyego. Ang tanging katanggap-tanggap na pagkamatay na bunga ng aksidente sa isang kuwentong pinag-isipan ay kung hindi ito kakalasan o dénouement kundi premise ng kuwento, tulad halimbawa ng aksidenteng pumaslang kina Tomas at Teresa sa The Unbearable Lightness of Being—isang kamatayang sinabi na sa atin sa simula’t simula. Nawala itong di-mabatang bigat ng pag-iral sa biglaang pagkamatay ni Woody sa dulo dahil naging kakalasan lang siya ng kuwento sa halip na aninong nakakubabaw sa kabuuan ng pelikula sa simula’t simula.
Samantala, wala akong makapang paninindigan sa kuwento. Para saan ang lahat ng ito? Ibig sabihin ay wala itong nililinaw sa akin kung ano ang totoong mahalaga sa huli—ni hindi sa paggigiit ng mungkahing kahulugan ng tahanan, problematiko kahit ang tila dikotomiya ng kabutihan at kasamaan. Gayumpaman, bagaman malulubos pa ang paggamit ng yokai at ng mismong tagpuan—kung ano ang maging maligaya o mamighati sa ibang bayan, partikular sa Japan—hindi ko nga matatawaran ang kislap ng ambisyong kumatha ng Hold Me Close ng isang pantastikong proposisyon na maaaring madama ng isang tao kung kaligayahan o kasawian ang idudulot sa kaniya ng iba. May ambisyon sa pagdadala nito ng katutubong kutob sa pantastikong posibilidad nito upang mapaglimian kung gaano kahalaga na nakakapitan natin ang minamahal.
Mga Pelikulang May Kahusayan
Parehong may kahusayan ang dalawang pelikulang adaptasyon ng mga naunang pelikula—ang Isang Himala na homage sa Himala ni Ishmael Bernal at batay rin sa adaptasyon nito bilang musikal ni Vincent de Jesus, at ang Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital na batay naman sa pelikulang South Korean na Gonjiam: Haunted Asylum na lumabas noong 2018. Dahil dito kaya matapos panoorin ang dalawang pelikula sa sinehan, pinanood ko rin ang Gonjiam sa unang pagkakataon at pinanood muli ang Himala sa hindi ko na mabilang na pagkakataon. Isa ang Himala sa mga ipinapapanood ko sa mga klaseng itinuturo ko. (Sayang at hindi ko napanood ang Himala: Isang Musikal dahil nasa Japan ako nang ipinalabas ito noong 2018.) Matapos panoorin at balikan ang mga pinagmulang pelikula, masasabi kong mahusay ang parehong adaptasyon, parehong masusundan ang mga kuwento kahit walang malay sa mga pinagbukalang teksto. Halos walang butas.
Epektibo ang paglalaro ng Strange Frequencies sa realidad at kababalaghan sa maniobra ng paggamit sa mga totoong screen name ng mga gumanap sa pelikula. Narito si Enrique Gil, halimbawa, bilang si Enrique Gil (na siyempre ay fictional din naman talaga—subalit bahagi iyon ng conceit sa fictional layering ng pelikula), na siyang nagbuo ng team ng mga artista at influencer para bisitahin ang Xinglin Hospital sa Taipei na dinarayo ng mga banyagang content creator dahil sa mga kababalaghang umiikot sa kasaysayan nito. May nurse daw na pumaslang sa mga bata at may kultong nag-aalay ng mga pasyente sa kung sinong demonyo, halimbawa—na pinagtitibay ng pagkakatagpo sa bangkay ng mga dumayong banyaga na hinihinalang alinman sa nagpatiwakal o biktima ng nagpapatuloy na hiwaga sa lugar.
Kritika ang magkasabay na praktikal at absurdo sa mismong suot nilang gear para mai-stream nang live sa kanilang YouTube channel ang ghost-hunting nilang nauwi nga sa trahedya ng isa-isa nilang pagkasawi. Narito pa rin ang mga isteryutipong tauhan ng horror—tulad ng tauhang hindi naniniwala sa kababalaghan, o ng intensiyonal na nang-iinis sa mga kasama, o ng sadyang nananakot sa iba. Subalit mahusay ang mga diyalogong komentaryo rin sa mga kinamihasnan at kinayamutan nang trope sa horror films, tulad nang sinabi ng tarot reader-influencer na si Raf na huwag silang maghihiwa-hiwalay, na “di tayo magiging tanga, [dahil] sa horror, iyon ang unang namamatay.” (May listahan ako nito at iba pang pagbasa sa Pinoy horror—abangan ninyo ang sanaysay ko tungkol sa Shake, Rattle, and Roll films.) Sa mga sandaling ito nagiging meta-horror ang pelikula. Mahalaga ang mga ganitong pagpasok sa meta-horror na kamalayan dahil nababanaag dito ang nagbabagong takot ng lipunan sa dekonstruksiyon ng mga kumbensyon ng genre, at nakapagbibigay ng kritikal na kamalayan habang pinalalakas ang takot sa mga patong-patong na kahibangan ng realidad sa mga lumalabong hanggahan ng katotohanan. Siyempre, sa kabila ng babala niya, si Raf ang unang mamamatay dahil sa paghihiwa-hiwalay rin nila, na maaaring argumento ng pelikula na hindi garantiyang natatakasan ng kamalayan sa genre ang mga kumbensiyon ng genre na iyon.
Kumakapal pa ang metafictional na kamalayan ng pelikula dahil ang Strange Frequencies na pamagat nito ay pamagat din ng web series na sinisimulan nga nila dapat nang gabing iyon. Lumilikha ito ng mise en abyme—isang pagsasalaminan ng bahagi sa kabuuan na karaniwang estratehiya ng mga akdang kritika sa postmodernidad na balintunang niyayakap din nito. Sa dulo ng pelikula, ipapakita ang bahagi ng panayam ni Gretchen Fullido kay Gil nang tinanong ito kung may gusto pa ba itong gawin sa kabila ng mga nagawa na nitong pelikula at sumagot ang (fictionalized na) aktor na gusto nito ng “project where I die in the end,” na siyempre ay nangyari sa pelikula.
Alin ang teksto, alin ang totoo? Acting lang ba ang lahat, tulad ng komentaryo ng ilang nanonood sa live stream sa YouTube channel ng web series? Siyempre, hindi totoong namatay ang Enrique Gil sa labas ng pelikula. Ito ang kahinaan ng ganitong uri ng proyekto. Sa kabila ng kahusayan ng adaptasyon, nababalewala ang anumang pagpupurga ng takot sa makinasyon ng conceit dahil namatay si Gil sa dulo ng pelikula, subalit hindi namatay si Gil sa pelikula. Sa bandang huli, napakahirap sipating may ambisyon ang isang pelikulang adaptasyon. Totoo na hindi madali ang anumang adaptasyon—maisasalin ba sa bagong panahon, sa bagong lunan, sa bagong wika ang adaptasyon—subalit hindi ako kombinsidong mas may ambisyon ang anumang adaptasyon kaysa sa pag-iisip ng isang bagong-bagong kuwento, ng isang bagong-bagong mundo.
Kaya naman, bagaman parehong adaptasyon, hindi lamang kahusayan kundi taglay rin ng Isang Himala ang ambisyon. Hindi tulad ng adaptasyon ng Strange Frequencies na nagmumula sa halos parehong panahon ang kuwento at mga manonood kompara sa orihinal na Gonjiam (hindi halos naging mahalaga sa adaptasyon na may nangyaring pandemya sa pagitan ng dalawang pelikula), higit na mapangahas ang adaptasyon ng isang pelikulang hindi lang nagmula sa halos kalahating siglo na ang nakalilipas (1982 ipinalabas ang Himala—sa 8th MMFF) at nagkaroon din nga ng adaptasyong musikal (ginawa na rin ito ng Zsazsa Zaturnnah Ze Movee sa MMFF noong 2006–pelikulang batay sa isang musikal na batay naman sa graphic novel ni Carlo Vergara), kundi isang pelikulang itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na pelikulang Filipino. Ikoniko na at bahagi ng kamalayang popular ang linya nitong “Walang himala, ang himala ay nasa puso ng tao!” (Binabasa ko ngayon ang Kalahating Bahaghari ni National Artist Ricky Lee, na nagsulat ng screenplay ng pelikula, at kahit siya—sa pagbubuo ng isang kasaysayan ng pagiging bakla sa Pinas sa pinakabago niyang nobela ay nahirapang hindi i-quote ang “Walang himala!” sa sarili niyang nobela!) Ang hirap isipin ng isang Filipinong manonood ng pelikulang Filipino na hindi alam na may pelikulang Himala. Maliban sa pagpapanood ko nga nito sa mga klase, isa ito sa mga pelikulang binanggit ko sa una kong nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog, tanda ng laki ng personal na impluwensiya nito sa akin bilang manunulat. Sinipi ko pa ang isang eksena ng pelikula sa nobelang iyon na isinulat ko noong 2005:
Nang araw na unang umalis ang Papa ni Daniel papuntang Saudi, kapapasko lang daw, at palabas pa sa mga sinehan ang Himala. Napanood ito ng lalaki, kahit hindi nito naintindihan dahil magulo ang isip nito noon. Nasa kolehiyo na siya nang mapanood din niya ang pelikula para sa isa namang klase. May eksena doong nag-uusap ang magkapatid na Chayong at Narding tungkol sa balak ng huli na mag-apply sa Saudi. “Hindi naniniwala sa Diyos ang mga tagaroon,” sabi ni Chayong. “E dolyar naman ang ipupunta ko d’on e, hindi diyos!” ang sagot naman ni Narding.
Sa Isang Himala, ibang mga tauhan na ang nagbitiw ng mga linyang ito—isang halimbawa ng maraming iba pang pagbabago sa pelikula kompara sa orihinal. Marami sa mga pagbabagong ito, lalo na ang set design, malamang na bunga ng mas pagsandig ng pelikula sa stage adaptation kaysa sa orihinal na pelikula. Kaya habang mahalaga sa pelikula ni Bernal ang mga basál na espasyo, ang tuyo’t nakatiwangwang na lupain, ang milya-milyang paglalakad ng mga tao, ang layo ng mga bahay-bahay sa isa’t isa, siksikan at patong-patong ang mga bahay sa pelikula ni Jose Diokno. May mga pagkakataon na nagiging lunsaran ito ng mahusay na galaw ng kamera, lalo na sa mga sandaling parang nanunubok tayo sa buhay ng mga tauhan—sinisilip sila mula sa mga guwang sa pagitan ng mga tabla na pinagtapal-tapal bilang dingdin—subalit may mga sandali ring gumuguho ang pagkaburol ng burol, tulad ng mas lambak na patag ng burol sa set dito, at kailangan nating isipin na hindi na nga iisa ang Baryo Cupang sa orihinal na pelikula sa Munisipyo ng Cupang sa bagong pelikula.
Kaya naman sa kabila ng ambisyon at kahusayan ng pelikula, lalo pa ng mga awitin at pagganap ng mga aktor—napakahusay ni Kakki Teodoro, halimbawa, na karapat-dapat sa kaniyang Best Supporting Actress sa Gabi ng Parangal—sa palagay ko ay nagkukulang sa paninindigan ang pelikula. At ang paninindigan na ito ay bunga ng hindi malinaw na pagtindig ng pelikula sa panahon. Tulad sa orihinal na Himala, sinasabing bandang 1958 napulot si Elsa sa burol, pero hindi tulad sa orihinal na 24 si Elsa, 29 na ang Elsa rito (maliban kung nagkamali ang dinig ko sa bahaging ito—mga posibleng pagkaligta sa minsanan lang na panonood ng pelikula). Ang 1982 sa orihinal (hindi na nakapailalim sa Batas Militar ang bansa, pero nasa ilalim pa rin ni Marcos) ay magiging 1987 sa bersiyon na ito (post-EDSA, sa ilalim ni Aquino). Hindi malinaw ang pagbabago—o ang kawalan ng pagbabago—dulot ng pag-iiba ng panahong ito sa pelikula.
Ang totoo, ang mga piniling baguhin ng pelikula mula sa orihinal na iskrip ni Lee ang tingin kong nagpahina pa ng paninindigan nito. Sa orihinal, walang sinumang ginamot ni Elsa ang tuwirang nagsabi at ipinakitang pinagaling sila ng babae. Nang ginagamot ni Elsa ang bulag sa orihinal, nagtapos ang eksena sa paghaplos ni Elsa sa mga mata ng lalaki. Sa Isang Himala, may isang batang bulag na literal na nakakita na umano pagkatapos hawakan at painumin ng tubig ni Elsa. Kahinaan sa paninindigan ang mga “paglilinaw” na ito ng pelikula na totoong may napapagaling si Elsa, na tulad din ng pagiging mas garapal nina Mrs. Alba at ng Mayor rito na nagma-mahjong pa, o ng pagpapatindi ng romantisasyon sa pagtingin ni Pilo kay Chayong, o ng mas pagtutuon lang ng moral dilemma ni Orly sa hindi niya pagtulong kina Chayong at Elsa habang ginagahasa ang mga ito, at sa halip ay kinunan pa nga niya. Itong malabis na pagpapaliwanag na ito sa mga iniisip at motibasyon ng mga tauhan ay nakabawas sa tindig ng orihinal pagdating sa kalabuan ng kamalayang-bayan. Nauunawaan ko ang pangangailangan ng halos paglusaw sa ambiguity sa isang adaptasyong panteatro dahil nasa tradisyon ng teatro na sabihin ang masasabi dahil maaaring hindi “makita” ng isang manonood ng dula ang lahat ng puwedeng makita. Walang iisang focus sa panonood sa tanghalan. Hindi mapipili ng dula kung saan titingin ang manonood (kahit pa tulungan ng pag-iilaw), at lalong walang extreme close-up (maliban kung samahan na nga ang pagtatanghal ng device ng kamera), na isa sa mga kapangyarihan ng orihinal na pelikula sa tuwing tititig ang lente sa mga mata ni Nora—totoo bang nakita ni Elsa ang birhen?
Kaya naman, isa sa palagay kong mahalaga sanang pasya ng pelikula ay pagpili ng malinaw na punto de bista. At dahil isa sa pinakamahusay na awit ng musikal ang “Mayroon Akong Kuwento,” sa palagay ko ay pinanindigan sana ng pelikula na kuwento ito ng tatlong babae—sina Elsa, Chayong, at Nimia, subalit sa punto-de-bista na ito ni Nimia—lalo pa’t siya ang umalis at bumalik sa Cupang, at naiwang buhay sa kanilang tatlo sa huli. “Ako ay mayroong kuwento ng tatlong magkakaibigan,” ito talaga ang kuwento, kasama ang realisasyon na “Kahit aming sugat, iisa ang sakit,” dahil ano nga ba ang pagkakaiba ng mabuhay bilang isang babae sa isang partikular na panahon? Ano pang mas malungkot kaysa sa tuwing bibitiwan ni Nimia ang “… at ako” na para bang naging bahagi lang siya ng kuwento dahil siya ang nagkukuwento?
Sa ganito, maiiwasan ang kadahupan ng moralidad ng lente ni Orly bilang isang lalaki na piniling ilagay sa huling frame ng pelikula, hawak ang kaniyang kamera. O ang post-credits na hindi pagkabasag ng banga (ilan ang nanood ng pelikula na hinintay matapos ang end credits at nakita ito?)—na hindi dulo ng orihinal na pelikula, lalo pa’t malinaw na tumutukoy iyon sa kamatayan ni Elsa sa orihinal. Malinaw ang layunin ng kasalukuyang pelikula na lumampas nga ang babala sa pelikula, sa kamatayan lang ni Elsa, subalit pagkatapos ng mga nangyari, baka hindi na iyon ang pinakamahalagang realisasyon sa huli? Muli, kung nanindigan ang pelikula sa punto-de-bista ng isang babae, at ni Nimia, may ibang hilakbot sa kaniyang realisasyon sa huli na, “Ako’y mayroong kuwento, pero ngayo’y limot ko na… Paano nga ba nagwakas?” Paano nga ba nagtatapos ang isang bagay, kapag tulad niya, narito pa rin tayo? Puwedeng umalis, iwan ang Cupang, tulad ng muling ginawa niya, pero hindi nga natin maiiwan ang kuwento, hindi tayo iiwanan ng kuwento, gaano man kalabo ang nagdaan, gaano man kakapangyarihan ang paglimot.
Mga Pelikulang May Paninindigan
Nililinaw ng may paninindigan kung ano ang mahalaga, kung ano ang di nagmamaliw, o kung ano nga ang naglalaho na’t kailangang ingatan. Pero nililinaw din ng paninindigan kung ano ang mga direksiyon ng pagbabago, hindi dahil nag-iiba ang halagahan, kundi dahil kailangan nating magkaroon ng mas malawak na pagtanaw sa kahulugan ng mga bagay. Tulad ng nauna kong pagtataya sa Green Bones, ganito ang ibinigay sa akin ng My Future You na nagtataglay hindi lang ng ambisyon at kahusayan, kundi maging ng paninindigan.
Sa mga pelikulang pinanood ko, My Future You ang pinakabuo ang kuwento, malay sa pagbabanghay at pagtatakip ng mga posibleng butas sa banghay na iyon. Kuwento ito nina Karenina Lopez at Alexander Ramos na nagkakilala sa isang dating website, nagkapalagayan ng loob, at nagkasundong magkita isang araw sa Kilometer Zero katapat ng monumento Rizal sa Maynila, na siyang sukatan ng layo ng mga lugar sa bansa. Nang hindi sila magkita matapos ang dalawang beses na pagtatangkang magkita, at matapos nilang maunang paghinalaan na pinaglalaruan lang ang isa ng isa, saka sila nakumbinsi sa pantastikong posibilidad na hindi sila nabubuhay sa parehong panahon. Nasa 2024 si Karen at nasa 2009 si Lex. Sinubok nilang pakialaman ang ilang detalye mula sa nagdaan, pangunahin para tulungang “mabuo” ang pamilya ni Karen, na nagkahiwalay ang mga magulang dahil sa isang pangyayari noong kaarawan niya, subalit sa serye ng iba’t ibang panghihimasok, laging nauuwi sa kasalukuyang mas masama pa kaysa dati. Hindi madaling hawakan ang manipulasyon sa mga detalye sa nagdaan dahil sa napakaraming paradox na maaaring makatha nito, subalit nagawang bantayan ng kuwento ang mga posibleng butas na kathain ng ganitong proyekto. Ang totoo, nagawang integral na bahagi ng kuwento ang mismong posibilidad ng suliraning ito.
Ang totoo, hindi naman na bago ang ganitong plot device. Nagawa na ito, halimbawa, sa mga pelikulang Frequency (2000, sa direksiyon ni Gregory Hoblit) at Il Mare (2000, sa direksiyon ni Lee Hyun-seung), at kahit sa pelikulang Pinoy na Moments of Love (2006, sa direksiyon ni Mark Reyes). Sa halip na isang dating website, radyo, isang mailbox, at telepono ang nagsisilbing paraan ng komunikasyon ng mga tauhan mula sa magkaibang panahon sa tatlong pelikula. Subalit ang ambisyon ng pelikula ay hindi nakasalalay sa plot device, kundi nasa pagtatahi nito sa mga buhay ng tauhan mula sa magkaibang panahon, na hinuhubog ng mga sakuna (Ondoy, trahedya sa dagat), sa isang paraan na nakukumbinsi ang manonood sa realidad ng ispekulasyon. Sa kabila ng youthful na aura ng aktor na si Seth Fedelin (na karapat-dapat din sa kaniyang Breakthrough Performance sa Gabi ng Parangal), naitawid ng mga mata niya ang paglipas ng labinlimang taong paghihintay at pag-asa na mahihintay rin siya ng hindi pa naman talaga naghihintay sa kaniya. Isa pa sa tagumpay ng pelikula ay ang pag-iingat nito sa harap ng posibilidad ng grooming sa pag-iwas ni Lex na makipag-ugnayan pa sa buhay ng batang si Karen hanggang sa dumating nga ang panahon na magkikita sila bilang pareho nang adult. Hindi ito tuwirang pinaksa ng pelikula, pero isang bagay na hinarap nito, sa palagay ko, sa isang paraan na nag-aambag sa mga posibilidad ng pagmamahalan sa pagitan ng mga indibidwal na magkalayo ang edad nang walang manipulasyon, pang-aabuso, at pagkawasak ng tiwala.
Subalit ang totoong paninindigan ng pelikula ay nasa pagmumungkahi nito ng mga anyo ng pamilya na hindi na tulad ng mga kinasanayan natin. Pinipili ang pamilya, hindi na lamang basta idinidikta ng pagkakataon ng pagiging kadugo. Ang ganitong paninindigan halimbawa ang wala sa The Kingdom na maggigiit sa pangangailangang kadugo ng Lakan ang magpapatuloy ng pamumuno dahil lang kapamilya siya. Ang ganitong kakitiran ng pagtingin sa kahulugan ng pamilya ang iminumungkahing lampasan ng mga pelikulang tulad ng My Future You na mas nakapag-aambag sa mas kritikal na pag-iisip tungkol sa mga relasyon natin sa isa’t isa. Mga ganitong paninindigan ang maglalayo sa atin sa masyadong pagdakila sa mga partikular na pangalan at angkan na humahawak ng ganoon at ganoon ding posisyon sa bayan, hindi dahil sa kung anumang kahusayan—o sa kabila nga ng mga kahinaan at kasamaan—dahil lang sa nagkataong anak o asawa ng ganitong tao. Maaaring matagpuan ang paninindigan kahit sa mukhang simpleng mga mungkahi na ito ng paglayo sa kinasanayang kakitiran ng pananaw.
Mga Pelikulang Walang PAK
Tulad ng Espantaho, walang PAK para sa akin ang Topakk at And the Breadwinner Is… at nagkukulang sa ambisyon, kahusayan, at paninindigan kahit sa loob ng genre ng mga ito bilang action film at family dramedy. Parehong absurdo ang lunsaran at direksiyon ng dalawang pelikula—ang mga bidang hindi mamatay-matay sa Topakk at ang pagpapanggap bilang kung sino-sino (mga dating papel ni Vice Ganda sa mga naunang pelikula) upang magpanggap na patay na nga sa Breadwinner. Bagaman maaaring maging proyekto ang absurdity sa pelikula at magsilbing tuntungan ng kahusayan kung intensiyonal ito upang mapalalim ang tema kaugnay ng kawalang-kabuluhan ng buhay, nilulusaw ng puta-putaking absurdong detalye ang anumang posibilidad ng maiiwan sa manonood na may totoong halaga.
Ano talaga ang naimbag ng Topakk sa pag-iisip natin sa lagim ng digmaan o sa kabuktutan ng war on drugs? Kaya sa halip na manghilakbot sa mga linyang “hindi kasalanan ng mundo ang giyera, tao ang gumagawa ng giyera,” wala na itong totoong inaantig sa akin. Noon pa naisulat ni Homer sa The Iliad na “We men are wretched things.” At kahit parang magandang pakinggan ang binitiwan ng isang tauhan sa pelikula na, “Di nakakamatay ang baril, nakakamatay ang prinsipyo,” hindi ito totoo, siyempre. Nakamamatay ang baril, nakamamatay ang prinsipyo, nakamamatay kahit ang mga hindi totoo.
Samantala, ano talaga ang naiambag ng Breadwinner sa pag-iisip natin sa pamilya o sa kasarian (nagwagi ito ng Gender Sensitivity Award)? Kung may natatangi sa pelikula, ito ay ang pagsisikap na lumayo sa isteryutipo ng mga kapamilyang intensiyonal na inaabuso ang mga kapamilyang nagtataguyod sa kanila. Subalit hindi ba mapanganib din ang pagtanggap sa ganitong katwiran? Na puwede pala—mas katanggap-tanggap palang abusuhin ang iba basta’t wala ka namang hangad na talagang pagsamantalahan sila. Na puwede rin palang sadyaing lokohin ang iba basta’t para naman ito sa pamilya—kung hindi sila nahuli ay wala naman silang balak talagang aminin na niloloko lang nila ang insurance company.
Kung pagbabatayan ang ilang ulat ng box-office returns, nasa pinakapinapanood pa rin ang mga pelikula nina Vica Ganda at Judy Ann Santos. Malamang na dahil sa patuloy bankability ng mga artista, o maaaring dahil nanonood pa rin nga ang mga Filipino ng pelikula dahil sa aliw at aral. Totoo namang natawa pa rin ako sa ilang eksena sa Breadwinner (at kahit sa Espantaho—sa maling dahilan!). May kurot pa rin sa puso ang eksena sa pagitan nina Vice Ganda at Malou de Guzman (na siyang nagsasalba ng pelikula sa akin) sa dulo ng pelikula, pero maaari kong madama ito sa kahit na anong parehong tagpo sa kahit na anong palabas.
Tulad ng sinabi ko sa itaas, hindi masama ang panonood para sa aliw at aral per se. Ang panganib ay kapag iniiwan lang ng pagbibigay ng aliw at araw bilang tagatanggap ang manonood sa halip na aktibong tagakatha ng kahulugan. Hindi mutually exclusive sa PAKI ang aliw at aral, subalit mas gusto kong tingnan ang aliw at aral sang-ayon sa relasyon nito sa PAKI. Naaaliw ba ako dahil sa ambisyon at kahusayan? Nakatahi ba ang aral sa isang paninindigan? Sa bandang huli, handa akong bitiwan ang aliw at aral subalit hindi ang PAKI. O dahil sa PAKI, naaaliw lang ako’t nakikitang may silbi ang anumang aral kung naglilinaw ito ng paninindigan, nagsisiwalat ng ambisyon, nagpapamalas ng kahusayan, na mga landas ng posibleng inmortalidad.
Si Edgar Calabia Samar (IG, X: @ecsamar) ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at naging Visiting Professor ng Osaka University mula 2017 hanggang 2022. Kasalukuyan siyang Chair ng Kagawaran ng Filipino sa School of Humanities ng Ateneo, Vice Head ng National Committee on Literary Arts ng National Commission for Culture and the Arts, at kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT), LIRA, at Filipino Critics’ Circle. Nagawaran na siya ng Palanca, NCCA Writer’s Prize, National Children’s Book Award, National Book Award, at iba pang pambansang parangal. Naging longlisted sa Man Asian Literary Prize ang salin sa Ingles ng una niyang nobela. Nitong 2024, ginawaran siya ng S.E.A. Write Award ng Hari ng Thailand para sa kaniyang ambag sa panitikan ng Timog-Silangang Asya.