Kailangan Natin ng mga Pelikulang May PAKI: Ang MMFF 2024 at Isang Mungkahing Kritisismo sa Pelikulang Filipino

'Baka kailangan natin ng mga totoong kritisismo, hindi basta mga opinyon.'
ILLUSTRATION: Igi Talao

(Part 1 of 2)

Green Bones: 4 stars
Espantaho: 1 star
Uninvited: 3 stars


ALSO READ: Kailangan Nating Maghangad ng Lampas sa Aliw at Aral: Paninindigan, Ambisyon, at Kahusayan sa 10 Pelikula ng MMFF 2024

Kapag ganitong Disyembre, dumadagsa ang mga pagsusuri sa pelikula online dahil sa Metro Manila Film Festival. Maliban sa mga assigned o kinomisyong rebyu sa mga website at online magazine, at sa post ng mga indibidwal sa iba’t ibang social media platform, kabi-kabila rin ang Facebook pages na may mga sari-sarili nilang opinyon sa mga kalahok na pelikula na nanganganak pa ng mga panibagong opinyong halos ad infinitum dahil sa comment, reply, at share options ng FB. Iba’t ibang puna, tugon, at pagbabahagi—mula sa mga mukhang seryoso hanggang sa mga mukhang nagpapatawa hanggang sa mga mukhang wala naman talagang kinalaman sa pelikula. Kailangan kong gamitin ang mukha sa panahong sala-salabid ang himig ng pahayag, lalo na online, at napakahirap hagilapin ng totoong layon at layunin ng mga sinasabi ng maraming ni hindi natin kilala kung sino, maliban marahil sa pagpapalagay na lahat ng post, comment, reply, at share na ito ay isang anyo ng pagtatanghal: na kumikilos ang mga ito nang may málay na may mga matang nakatingin dito. Kaya naman, sa mundo ng social media, mahirap tayain agad kung mas mahalaga ba sa mga tinitingnan natin ang anumang katapatan sa sinasabi nito kaysa sa engagement, o ang nilalaman ng pahayag kaysa sa like na tinatanggap nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Makikita natin, halimbawa, na binigyan ng Mubi Rebyu (may 110K followers) ng rating na 9/10 ang Green Bones, na sinimulan sa pasasalamat sa direktor nitong si Zig Dulay dahil sa pagbibigay daw nito ng “pelikulang may kabuluhan at hindi makakalimutan.” Number 1 ito sa ranking nila pero number 6 lang sa Goldwin Reviews (may 41K followers), na itinanghal namang number 1 ang And the Breadwinner Is… na binigyan nito ng 5/5 na rating (3/5 lang sa Green Bones) matapos ang proklamasyong, “This is Vice Ganda’s best film of all time.” Kapag tiningnan naman ang posts sa X (dating Twitter), lalo pang naglalabo-labo ang opinyon. Halimbawa, may “Nega Movie Review” naman si @supernegatrona (may 43.5K followers) sa Breadwinner na matapos ang verdict na hindi ito isang “perfect film, far from it” ay binigyan niya pa rin ito ng 3.5/5 pandesal stars, “kasi tulad ng pandesal, kahit di siya perfect na tinapay kasi ang kalat niyang kainin at minsan ang liit pa pero matutuwa ka pa rin sa umaga.” Ibig sabihin, hindi ito okay pero okay na rin? Hindi ko alam kung paano uusad ang pagtingin sa pelikula sa ganitong pagtataya sa huli, kasinlabo ng kung pasado ba ang 3.5/5 niya pero bagsak ang 3/5 ng Goldwin sa Green Bones? Kung susundin ko ang grading system sa mga klase ko sa Ateneo na 70% ang pasado, ganito ang ibig sabihin (bagsak ang 3/5 pero pasang-awa ang 3.5/5), pero iyon din ba ang ibig nilang sabihin?

CONTINUE READING BELOW
watch now

At hindi tinatapos ng opisyal na MMFF Gabi ng Parangal kagabi ang produksiyon ng samot-saring opinyon. Pinatutunayan ng nag-trend na #MMFF50GabiNgParangal na ni hindi pinahuhupa ang salungatang opinyon sa kabila ng—at maaaring dahil sa—mismong mga pinarangalan. Para saan daw ang Special Jury Citation kay Vice Ganda, na dinaan na lang nito sa birong baka ibig sabihin ay hindi na siya ang makatatanggap ng “Best Actor” at “award para sa first runner-up” pero nagpapasalamat siya for “being seen” matapos basahin ng presenter na si Dennis Trillo ang kahulugan ng award bilang pagkilala isang “performer who has broken the ground and gone out of the familiar … to prove his growth as an artist.” Sa iba naman, bakit snubbed ang Uninvited—ano’t hindi nominated man lang si Aga Muhlach for Best Actor? Rigged! post ng ilan. Habang ang iba naman ay nagdiriwang sa ibang tagumpay, tulad ng pagkapanalo ni Kakki Teodoro bilang Best Supporting Actress para sa Isang Himala na tinapos ang acceptance speech niya sa “Mabuhay ang teatrong Filipino! Mabuhay ang pelikulang Filipino!” Ang kalat! post ng tuligsa sa papel ng mga politiko sa likod ng festival. Dasurv! post ng suporta sa pagkapanalo ni Judy Ann Santos. Ano kung punò ng mga hurado si Dr. Nicanor Tiongson—Professor Emeritus ng Film sa UP Diliman, iginagalang na iskolar ng kulturang popular, founding member ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino na naggagawad ng taunang Gawad Urian, at punong patnugot ng monumental na CCP Encyclopedia of Philippine Art? “magpaliwanag ka nicanor tiongson charot” sabi ng isang tweet. Ang punctuation na ito ng charot (o chos, o eme) sa pahayag natin ang sintomas ng kasalukuyan nating pagkapit sa mukhang gusto lang nating sabihin, hindi sa talagang gusto nating sabihin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, ang dami-dami nating sinasabi. May opinyon ang halos lahat. Ibang usapan na kung may mali bang opinyon, o kung valid nga ba ang lahat ng opinyon. At kung totoo ang dalawang pahayag na ito, ano ngayon kung iyan ang opinyon mo at ito ang sa akin? Kaya sa panahong parang napakadaling magsabi ng opinyon, baka nga hindi opinyon ang kailangan natin kundi kritisismo. Uulitin ko: baka kailangan natin ng mga totoong kritisismo, hindi basta mga opinyon. Ibig sabihin, sa halip na basta pagbibitiw ng opinyon, pagpapatalas ng kritika. Sa isang lipunan na mas minamahalaga ang opinyon kaysa kritika namamayagpag ang mga politikong wala naman talagang alam at pakialam sa mga buhay natin, ang mga influencer na wala naman talagang pagtataya sa mga bagay na mahalaga, at ang mga sistemang binibigyan tayo ng mekanismong magsalita pero hindi ng mga istruktura para mas matuto tayo at mas mag-isip. Totoong bahagi ng anumang kritisismo ang pagbibigay ng opinyon, pero hindi lahat ng opinyon ay kritisismo na.

Dahil dito, gusto kong mungkahi ng isang pagsipat sa mga pelikulang Filipino na layuning lumampas sa pagbabahagi lang ng opinyon. Isang mungkahing kritisismo ito na humihikayat sa paggawa at panonood ng mga pelikulang may PAKI. Lilinawin ko kung anong ibig kong sabihin sa PAKI na ito habang kinikritika rin ang unang tatlong pelikulang napanood ko mula sa MMFF ngayong taon: ang Green Bones, Espantaho, at Uninvited. Upang gamitin ang wika ng isang karaniwang review, magbibigay din ako ng rating sa bawat pelikula, mula 1 (pinakamababa) hanggang 5 stars (pinakamataas). Nakita n’yo na ang rating ko sa kanila sa itaas pero ipaliliwanag ko ang kahulugan ng mga rating na iyan dito sanaysay. Bibigyan ko rin ng rating sa kasunod na sanaysay ang pitong natitirang pelikula kapag napanood ko na ang mga iyon ngayong linggo. Pero bago ang lahat, kailangan ko munang linawin at ipaalala ang ilang mahalagang batayan ng gawaing ito ng kritisismo at saka kung ano nga ang kahulugan ng mga star na ibibigay ko. Sa palagay ko, ito ang hindi laging nalilinaw sa basta pagbibigay ng opinyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit ba mahalaga ang kritisismo kaysa basta pagbabahagi opinyon o palagay? Nasa mismong kahulugan ng opinyon bilang palagay ang panganib: “pansariling pananaw o paniwala hinggil sa isang bagay na maaaring hindi nakabatay sa katunayan o kaalaman” (UP Diksiyonaryong Filipino). Maaaring hindi nakabatay sa katunayan o kaalaman. Saan nakabatay? Puwedeng any-any na lang, sabi nga ng iba ngayon. Samantala, ang pinakamahuhusay namang kritisismo, tulad ng kahit na anong bagay na kinokonsumo natin, ay nagsisikap magpakita o magbunyag ng mga bagay o ugnayan na maaaring hindi natin agad nakikita o napapansin. Ibig sabihin, lunas ang kritisismo sa mga posibilidad ng pagkaligta o pagkabulag. Gaano karaming pagkakamali o kapahamakan ang dahil sa mga bagay na nakaligtaan natin o hindi nakita! At hindi lamang praktikal at indibidwal na pagkaligta at kapahamakan ang tinutukoy natin dito, siyempre, kundi mga ideal at kolektibo ring pagkabulag na nagsasadlak sa atin sa mga parehong kasawian.

Nauunawaan kong may halos pagkaasiwa ang iba sa atin sa terminong kritisismo—at kahit pa sa ibang salitang panumbas dito, tulad ng pagsusuri—na maaaring bunga ng mismong alinlangan natin sa anumang may awra ng intelektuwal na gawain. E, di ikaw na ang magaling. Kaya hindi nakapagtatakang naging bahagi ng popular na idiom ang “smart shaming” nitong mga nagdaang taon. Subalit mahalaga ring kilalanin na may makatwirang batayan ang pagkaasiwang ito sa kritisismo, at sa “pag-iisip” sa kabuuan, lalo’t nag-uugat ang mga gawaing ito sa mga institusyon at sistemang nagpapamukha ng mismong di-pagkakapantay-pantay, tulad ng edukasyon. Hangga’t walang akses ang lahat sa pag-aaral, mananatiling marahas para sa karaniwang tao ang anumang ekspresyon ng edukasyon, tulad ng kritisismo. At kailangan nating kilalanin na kalakip ng anumang pag-iisip ang karahasang ito.

Kaya naman, kailangang kilalanin na anumang bagay na kinakasangkapan natin sa pagpapabuti ng mga buhay natin, tulad ng edukasyon, tulad ng kritisismo, ay laging may dobleng talim, gaya ng anumang bagay na pinatalas ng mga tao sa kasaysayan ng sibilisasyon para kasangkapin sa pang-araw-araw—mula bato hanggang isipan: sa isang banda, maaari nga itong makapagpabuti ng mga buhay natin, pero sa kabilang banda ay maaari rin itong makapanakit sa atin at sa iba. Lagi kong inaalala ang dobleng talim na ito ng anumang pinapatalas natin sa bawat pagsisikap na maging kritikal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bagaman nagtuturo rin ako sa kolehiyo ng pelikula at iba pang anyo ng kulturang popular (may serye rin ako ng pagsusuri tungkol sa komiks na lumalabas naman sa buwanang Liwayway), nagmumula rin sa mundo ng panitikan bilang nobelista at makata ang mga lente ko ng pagsusuri. Dahil dito kaya laging malay akong may mga bagay na mahalagang bahagi ng kritisismo ng pelikula, na hindi kailangan sa kritisismo ng nobela.

Ambisyon

Halimbawa, ang A sa mga pamantayan ko ng mga akdang may PAKI ay ambisyon: Gaano katayog ang pangarap nito, gaano kahirap ang gusto nitong gawin? Sa tula o nobela, mga salita ang tanging kasangkapan ng makata o nobelista sa pagsisiwalat ng pangarap na ito. Saan siya dinala ng mga salita—at saan niya dinala ang mga salita—para ipakita ang mga posibilidad ng ganitong taludtod sa tula o ng ganoong tauhan sa nobela. At ito ang mahalagang realisasyon at kasiyahan ng nagbabasa ng tula at nobela sa harap ng isang akdang may ambisyon: puwede pala ito, habang parang may tumatahip ang dibdib, napapamura pa ang iba, at walang magawa kundi mangarap na kumatha o magbasa ng higit pa roon. Ganoon ang naramdaman ko nang una kong nabasa ang nobelang Bata, Sinasaksak, ‘Sinilid sa Baul ni Tony Perez, o ang Maikling Imbestigasyon ng Isang Mahabang Pangungulila ni Edel E. Garcellano, o ang Doktrinang Anakpawis ni Rio Alma. Puwede pala ito. At laging umaahon ako sa mga libro nang hindi na tulad ng dati ang pagtingin sa tula o sa nobela. At totoo ito sa kahit na anong akdang may ambisyon, gaano man katanda ang akda. Ito ang dahilan kaya mayroong mga klasiko (na gustuhin ko mang hubaran ng Europeo nitong konotasyon at pinagmulan ay halos imposible, at bahagi iyon ng dobleng talim ng salitang ito). Ganito ang naramdaman ko halimbawa nang una kong binasa ang Don Quixote. Puwede pala ito. At totoo ito kahit ilang beses kong balik-balikan ang isang totoong matalas na akda. Ganito ang nararamdaman ko sa tuwing binabasa ang Noli me Tangere para sa isang panibagong semestre ng pagtuturo o tuwing kailangan ko lang ng inspirasyon. Puwede pala ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya naman, kahit sa panonood ng pelikula, isa ang ambisyon sa mga hinahangad kong masumpungan sa panonood. Ang ambisyon ng pelikulang mag-uuwi sa akin sa realisasyong puwede pala ito habang biglang parang hindi na mapakali’t kumakabog ang dibdib. May reaksiyon ang katawan natin sa harap ng matayog na ambisyon. Nakakalula pero may pananabik.

Ganito ang naramdaman ko sa ambisyon ng Green Bones na magkuwento tungkol sa kabutihan ng tao sa isang mundo na hindi na makita ng isang tao kahit ang sarili niyang kabutihan. Tuwing sinasabi ni Domingo (Dom Saltik sa mga kilala siya’t hindi talaga siya kilala) na “hindi ako mabuting tao,” may ironikong katapatan sa pahayag na magmumula lang sa kabutihan. Halos ganito rin ang pakiramdam ko sa ambisyon ng Uninvited na ipakita ang posibilidad ng iba pang papel para kay Vilma Santos, na napakahirap nang gawin sa 231 nang papel na nagampanan niya bilang aktres bago ang pelikulang ito, sang-ayon sa IMDb. Subalit hindi ako handa sa isang Vilma Santos na nakikipagbakbakan (pelikulang bakbakan ang salin noong dekada 70 at 80 sa action films) kaya ang tindi ng puwede pala ito, sabi ko sa kaibigan at kapwa-nobelistang si Chuckberry Pascual nang makita ko ang IG story niya ng panonood din ng pelikula. Ang sagot niya, nasa tradisyon ito ng mga pelikula ni Vilma na Tagos ng Dugo (1987) kung saan siya gumanap bilang serial killer ng mga lalaking inaakit niya at saka pinapaslang habang nakikipagtalik, at Ikaw Lang (1993), kung saan naman siya nakipagsabwatan sa panghoholdap ng bangko para maghiganti sa asawa niyang nagpapatay sa kanya. Malinaw rito, kung gayon, na may tradisyong pinagbubukalan kahit ang mga ambisyong kumatha ng bago.

Sa pelikula, hindi nga lang salita ang puno’t dulo ng pagsasakatuparan ng ambisyon. Sa lahat ng puwedeng makita’t marinig sa pelikula, saan mapapapalatak ng puwede pala ito ang manonood? Sa disenyo ng produksiyon? Sa mismong kuwento? Sa diyalogo? Sa tunog? Sa musika? Sa pagganap ng mga aktor? Sa editing? Sa CGI? Sa sinematograpiya? Saan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napakaraming instrumento’t elemento ng pelikula para magpamalas ng ambisyon, pero ibig sabihin di’y napakaraming puwedeng pagmulan ng kabiguang magpakita ng ambisyon. Iyon na ‘yun? Ang totoong antitesis ng pagkamangha ng puwede pala ito ay ang malamig na okey lang, okey naman. Kumusta ang kuwento? Okey lang. Kumusta ang akting ng bida? Okey naman. Ang totoong malupit na tugon sa anumang palabas ay ang kawalang-kritisismo na tulad ng anumang stock response na hindi bunga ng totoong emosyon o pagsusuri kundi bunga ng kawalang-halaga ng kinukumusta para pag-isipan pa. Kumusta ang pelikulang napanood mo? Kapag okey lang o okey naman ang pinakamadaling sagot, alam mong wala kang nasaksihang kahit anong ambisyon sa napanood. Hindi pangit ang kataliwas ng ambisyon, dahil puwedeng maging pangit ang pelikula pero maiisip mo pa ring may inambisyon itong gawin.

Kahusayan

Ang pangit ay reaksiyon sa kahusayan. At kahusayan ang isa pang bagay na tinitingnan ko sa isang pelikulang may PAKI. May kinalaman ang kahusayan sa epektibong paggamit ng mga elemento sa pagbubuo ng pelikula. Buo ba ang kuwento? Bagay ba ang artista sa ginampanan niyang papel? Nababawasan ang kahusayan kapag may nakikita tayong butas. Sa tuwing pinapatigil ng katwiran ang kasiyahan natin sa panonood dahil sa hindi maipaliwanag na takbo ng pangyayari, o ekspresyon ng aktor (nalulungkot ba o nagtataka ang mga mata niya), o weird na musika sa isang eksena (matatakot ba ako dapat o matatawa), parang may tinutungkab sa kahusayan ng pelikula na nag-iiwan ng mga butas. Kapag puro butas na lang ang nakikita natin, ang pangit naman nito. Kabaligtaran nito, ang galing naman ang reaksiyon natin sa kapag sa halip na iwan tayong puro butas ang nakikita’y may nabubuo sa atin sa dulo. Buo ang pelikula at parang may nabubuo rin sa atin sa panonood.

Ang galing ng mga diyalogo sa ni Dodo Dayao sa Uninvited, halimbawa. Halos walang butas. Maliban sa nakaaasiwang labasan ng sama ng loob sa kinamihasnang mahahabang linya habang may nakatutok na baril sa isang tao, higit na natural ang mga kambiyo sa gaan kapag nabubulid na sa melodrama ang usapan, tulad sa huling diyalogo nina Lilia at ng anak niyang si Lily nang biglang hiniram nito ang credit card ng ina nang nagiging madamdamin na ang simplemg paalaman lang dapat nilang dalawa. Samantala, maraming butas naman ang kuwento ng Espantaho kaya parang nababalewala ang kahusayan ni Judy Ann Santos sa pagganap: Ano talaga ang puno’t dulo ng pagpaslang ng pintor sa kahit sino sa isang tahanan? Bakit ang partikular na painting na iyon? Ano ang kinalaman ng pulang lupa at dayami at ng mga peste sa paraan ng pagpaslang? Bakit ang bilis na nabalewala kay Adele ang pagkamatay ng dalawa niyang anak? Bakit walang paggigiit sa isang mas masinop na imbestigasyon? Bakit bumalik pa sila sa bahay kasama ang painting nang nalaman nilang may kinalaman ito sa mga pagkawala? Bakit sobrang obvious sa simula pa lang na patay na si Rosa? Hanggang sa napagod na akong magbilang ng butas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paninindigan

Pero maaaring maging mahusay ang isang pelikula at mayroong ambisyon (ang galing! + puwede pala iyon!) pero parang may kulang pa rin kung wala itong paninindigan. Kapag tiningnan ang UP Diksiyonaryong Filipino, isa sa mga kahulugan ng paninindigan ay “isang masigasig na pagkilos o paglaban para sa isang simulain, paniwala, patakaran, at katulad.” Para saan? Ano ngayon? Mahahalagang tanong ito na kung minsan ay siya mismong simulain o motibasyon sa paggawa ng pelikula. Dahil para saan nga ang ambisyon at kahusayan ng pelikula kung hindi ito kumikilos o lumalaban para sa isang simulain o paniniwala? Halimbawa, samantalang inaaliw ang sarili sa panonood ng mga pelikula, aninong paligid-ligid sa isipan ko kung ano ang ibig sabihin sa mga pelikula ng MMFF ngayon na nagsimula ang film festival na ito noong Setyembre 1975 bilang pagdiriwang ng ikatatlong taóng anibersaryo ng Batas Militar? Pero paano rin sisipatin ang ganitong kasaysayan kung sa ikalawang taon pa lang ng festival ay ibinigay na rin nito sa atin ang talim ng mga pelikulang tulad ng Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? sa direksiyon ni Eddie Romero, Insiang sa direksiyon ni Lino Brocka, at Minsa’y Isang Gamugamu sa direksiyon ni Lupita Concio?

May paninindigan sa pagsisikap ng Green Bones na muling tingnan ang mga suliranin sa justice at penal system sa bansa, at sipatin ang karahasan ng mismong kahirapan na nagtutulak sa mga tao para pasukin ang krimen. Hindi madaling maging mabuting tao, subalit may mabubuting tao, at hindi krimen—na nilikha lang din ng mga istruktura ng batas ng isang lipunan—ang naghahati sa kabutihan at kasamaang ito. May paninindigan din sa pagmumungkahi naman ng Uninvited na humanap ng katarungan labas sa mga ahensiya ng batas kung sangkot ang mismong mga makapangyarihan sa mga kasalaulaan ng mayayaman. At higit na mapangahas ang pagpapaalala nito na kasamang salarin din ang mga kapamilyang nananahimik sa mga krimen ng kanilang kapamilya at—dahil—nakikinabang sila sa pananahimik na iyon. Kailangang walang itira, udyok ng pelikula, kahit pinili nitong may isalbang anak ng salarin sa huli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang totoo, magkakatahi dapat ang tatlong ito—paninindigan, ambisyon, kahusayan (PAK!)—at malamang na nasa isip naman ng mga nasa likod ng paggawa ng pelikula mula producer at direktor hanggang sa mga aktor at lahat ng iba pang bumubuo sa isang pelikula. Subalit napakadaling mabitiwan ang isa o dalawa o ang lahat ng ito sa harap ng iba’t ibang hamon ng produksiyon. Maliit na budget, pagkuha ng artista dahil sa bankability o following kaysa kahusayan, mabilisang shooting at post-production, na muli, mauuwi sa siklo ng pangangailangang kumita. Industriya ang pelikula, hindi lang sining, kaya lalong kagila-gilalas ang pagsisikap ng ibang magkaroon ng paninindigan, ambisyon, at kahusayan sa harap ng kinasasadlakan nitong kondisyon na nakasalalay sa suporta ng madlang manonood. Kung tutuusin, hindi pa nga kinakatawan ng mga pelikula sa MMFF ang isang karaniwang pelikulang Filipino dahil nga “pista” ito ng pelikulang Filipino at inaasahan nating pinili na ito’t mas pinaghandaan, pinaglaanan kahit paano ng espasyo. Pero anuman ang mga hamon na hinarap at nalampasan o nabigong lampasan ng isang pelikula, lagi’t lagi kong titingnan ang paninindigan, ambisyon, at kahusayan nito bilang batayan ng pagtataya ko sa talas ng palabas.

Sa ganito ko tatayain ang anumang pelikulang susuriin ko sang-ayon sa kanilang PAKI: Lahat ng pelikula ay makatatanggap ng awtomatikong 1 star at makatatanggap lang ng dagdag na star sa bawat aspektong taglay nito sa PAK. Ibig sabihin, makakukuha ng 4 stars ang isang pelikula kung may malinaw itong ambisyon, kahusayan, at paninindigan. Lahat ng pelikulang napanood lang sa unang pagkakataon, tulad ng Green Bones, Uninvited, at Espantaho ay maaari lang makakuha ng hanggang 4 stars.

Inmortalidad

Kailan makakakuha ng 5 stars? Dito nagiging PAKI ang PAK. Kapag nagkaroon ng dahilan para panooring muli ang isang pelikulang nabigyan na ng 4 stars dati at sa muling panonood ay natiyak ko na posibleng magkaroon ng inmortalidad ang akda, posible nang iangat ang 4 sa 5 stars. Magmamaliw kahit ang mundo subalit nangangarap ng walang-hanggan ang sining. (Imortal sa direksiyon ni Eddie Garcia ang Best Picture sa MMFF noong 1989!) At paano mamamatay ang pelikulang laging pinapanood at pinag-iisipan, alinman dahil sa personal lang na paborito, o, kung gurong tulad ko, inilalagay sa silabus, ipinapapanood at tinatalakay sa klase, paulit-ulit nating binibigyan ng kahulugan habang paulit-ulit din nitong binibigyan ng kahulugan ang buhay natin. Sa ganitong proseso, nahuhubog ang inmortalidad ng akda. Ang mga pelikulang patuloy na nabubuhay sa atin at patuloy na bumubuhay sa atin. Ito ang inmortalidad ng ilan sa mga pelikulang bahagi ng kasaysayan ng MMFF maliban sa mga pelikula nina Romero, Brocka, at Concio na binanggit na sa itaas—tulad ng Kisapmata (1981) sa direksiyon ni Mike de Leon, Himala (1982) sa direksiyon ni Ishmael Bernal, at Karnal (1983) ni Marilou Diaz-Abaya na pare-parehong nagwagi ng Best Picture sa magkakasunod na taon. Maraming mahuhusay na pelikula si Chito S. Roño, pero ilan pa ang nakakaalala ngayon sa Olongapo… The Great American Dream na nagwagi ng Best Picture sa MMFF noong 1987? Maaalala pa rin kaya natin ang Green Bones na nagwagi ng Best Picture ngayong taon matapos ang sampu-dalawampu-limampung taon? Tingnan natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sa ngayon, karapat-dapat ang Green Bones sa 4 stars para sa malinaw nitong paninindigan, ambisyon, at kahusayang tinalakay ko na sa itaas. Babalikan ko ito matapos ang isa o dalawang taon para sipatin kung maituturing itong may PAKI. Three stars naman sa Uninvited para sa ambisyon nito’t paninindigan—subalit hindi ko mapalalampas ang butas ng kawalan ng ispesipiko’t matalinong plano ni Lilia sa kung paano isasagawa ang pagpatay—at bakit kailangang sa party pa na iyon kung kailan maraming ibang tao na puwedeng maging saksi—maliban sa bahala na, basta’t marunong na siyang bumaril. At one star sa Espantaho dahil hindi mapagtatakpan ang mga butas ng pelikula kahit ng kahusayan ni Judy Ann Santos dito. May ambisyon sana ang pelikulang magsiwalat ng horror sa kondisyon ng mga kabit subalit hindi nakapag-ambag ang pelikula sa pagpapalawig sa lagim niyon lampas sa basta hindi nila alam na may-asawa na pala ang lalaki (sa kaso ni Rosa) o na niloloko pala siya nito (sa kaso ni Monet). Nasayang din ang pagkakataong gamitin ni Roño ang pamagat na The Other Woman (hindi naman bago sa kanya ang paggamit ng pamagat sa Ingles—ginawa niya ito sa The Ghost Bride, Etiquette for Mistresses, Signal Rock, The Trial, The Healing) para tukuyin ang dalawang posibilidad ng pagiging other ng tauhan ni Lorna Tolentino.

Tulad ng sinabi ko sa simula ng sanaysay na ito, panimula pa lang ito ng mungkahing paraan ng pagsipat sa pelikulang Filipino na inaasahan kong patatalasin din ng iba pang mga pelikulang susuriin sa hinaharap. Ganoon naman ang pagsusuri, hindi lang nito sinisikap na patalasin ang sinusuri, pinatatalas din ito ng sinusuri nito: parang pagtatagpo ng dalawang batong urian. Sa mga susunod na sanaysay, aasahan kong matutulungan ako ng iba pang mga pelikula para linawin ang paninindigan, ambisyon, kahusayan, at inmortalidad na ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maaaring parang laro lang ng salita ang paghahanap ko sa PAKI bilang pamantayan ng talas ng isang mabuting pelikula, pero ang totoo, kinuha ko ito sa linya ng tulang “Ayos Lang ang Buhay sa Maynila” ni National Artist Bienvenido Lumbera (at hindi lang dahil may Maynila sa MMFF):

“Ayos lang ang buhay sa Maynila.
Wala kang paki sa hindi mo pami,
at ika’y pababayaan ng
‘yong kapitbahay.
Singkipot ng inuupahang entresuwelo
ang mundo, tamang-tama:
may banyo, may kusina.”

Pinalad akong maging guro sa UP Diliman si Doc Bien, na maliban sa pagiging makata ay matalas na kritiko rin ng pelikula na noon pa nananawagan upang “Basahin ang Sine!” kung saan niya rin ipinaalala ito:

“Kailangan bang maging kritiko ang bawat manonood? Kung maaari nga lamang sana. Pero hindi naman kailangang pakabusisiin ng manonood ang isang palabas… Ang kailangan lamang ay maging gising ang kamalayan ng manonood sa panahong sumusubaybay siya sa kuwentong inilalahad sa iskrin. Gising, upang hindi mapaglalangan, upang hindi siya mailigaw…”

Lalaging urian ko ang mismong naging pagsasabuhay ni Doc Bien ng PAKI sa kaniyang pakikibaka at kritisismo—mula sa pagkilala niya sa “datíng” bilang batayan ng estetikang Pinoy hanggang sa “pag-akda ng bansa” bilang batayang layunin ng pagkathang makabayan—sa sarili kong pagbasa ng anumang akda upang hindi ako maligaw, upang hindi maging singkipot ng mga inuupahan kong buhay ang mundo. At sa ganitong paghahanap sa PAKI ko sisipatin ang natitirang pito pang pang pelikula ng ika-50 taong ito ng MMFF sa kasunod na sanaysay. Kung maaari nga lamang sanang maging kritiko ang bawat manonood.


Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at naging Visiting Professor ng Osaka University mula 2017 hanggang 2022. Kasalukuyan siyang Chair ng Kagawaran ng Filipino sa School of Humanities ng Ateneo, Vice Head ng National Committee on Literary Arts ng National Commission for Culture and the Arts, at kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT), LIRA, at Filipino Critics’ Circle. Maliban sa kaniyang mga tula, kuwento at nobelang naparangalan ng Palanca, National Children’s Book Award, National Book Award, at iba pang pambansang parangal, kinilala rin bilang Best Book of Criticism/Literary History ng National Book Award ang kaniyang Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela. Nitong 2024, ginawaran siya ng S.E.A. Write Award ng Hari ng Thailand.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
More from esquire

About The Author
Edgar Calabia Samar
View Other Articles From Edgar Calabia Samar
Connect With Us